top of page

Bago Magtapos ang Semester (BL STORY)

  • Writer: whisperboxph
    whisperboxph
  • 2 days ago
  • 9 min read

Ang St. Aurelia University ay parang maliit na mundo na laging gumagalaw. Maingay ang quadrangle, puno ng mga estudyanteng nagmamadali, may nagkukumpulan sa ilalim ng puno, at may ilan na nagmamasid lang sa paligid. Sa gitna ng lahat ng ito, tahimik lang si Liam—ang bagong transferee. May suot siyang simpleng backpack, hawak ang class schedule, at ang tanging layunin lang niya ay makasurvive sa unang araw nang walang gulo.


Habang naglalakad siya papunta sa susunod na klase, abala sa pagbabasa ng map sa phone, bigla siyang nabangga ng isang matangkad na lalaki. Tumilapon ang notebook niya sa sahig at halos mabuwal siya kung hindi lang siya nasalo ng lalaki.


“Uy, sorry! Di ko sinasadya!” sabi ng lalaki.


Pag-angat ng tingin ni Liam, nakita niya ang ngiti nito—malinis, nakakasilaw, parang walang pagod. May suot itong varsity jacket na may nakaburdang pangalan: Aero.


“Ayos ka lang?” tanong ni Aero, sabay abot ng notebook niya.


“Ah, oo. Salamat,” maikli niyang sagot, pilit na kalmado kahit mabilis ang tibok ng dibdib niya.


“Bagong student ka, ‘di ba? Si Liam?” tanong ni Aero.


“Paano mo alam?”


“Prof Salvador mentioned you kanina. Seatmate tayo mamaya.”


Napakunot ang noo ni Liam. Seatmate? Hindi niya alam kung matatakot siya o matutuwa. Tumango lang siya, at ngumiti si Aero bago umalis. Pero sa ilang segundong iyon, parang may naiwan sa hangin—isang hindi maipaliwanag na kuryente.


Pagpasok nila sa Writing and Literature class, doon nga niya nakatabi si Aero. Abala si Liam sa pag-aayos ng gamit nang biglang nagsalita ang professor. “You’ll be working in pairs for the midterm project. Seatmates, you’re partners.”


Sabay silang napatingin sa isa’t isa. Ngumiti si Aero, ‘yung tipong ngiting natural, parang sanay na sa atensyon. “Mukhang tayo ‘yon, partner,” sabi nito.


“S-sige,” mahinang sagot ni Liam.


Habang nagtatrabaho, panay ang kwento ni Aero. Tungkol sa basketball team, sa mga kaklase, sa cafeteria na may pinakamasarap daw na adobo. Tahimik lang si Liam, pero hindi niya maiwasang mapangiti paminsan-minsan. Hindi siya sanay sa ganitong presensya—masaya, maingay, pero hindi nakakaabala. May kung anong ginhawa sa boses ni Aero, kahit puro kalokohan ang sinasabi nito.


Kinabukasan, habang naglalakad siya sa hallway, may biglang tumawag sa kanya. “Liam! Wait!” Lumapit si Aero, hawak ang ballpen niya. “Naiwan mo ‘to kahapon.”


“Ah, salamat.”


Ngumiti si Aero at sabi, “Wag ka kasing laging nagmamadali. Baka hindi mo namamalayan, may nawawala na pala sa’yo.”


Sandali siyang natahimik. Hindi niya alam kung nagbibiro ba si Aero o may ibig sabihin ‘yung tono. Pero napangiti siya habang inaabot ang ballpen.


Hapon na nang matapos ang klase. Umiulan. Nasa gilid lang ng building si Liam, naghihintay na tumila. Lumapit si Aero, may dalang payong. “Sabay na tayo. Dadaan din ako sa dorm side.”


“Ah, hindi na. Okay lang ako.”


“Wag ka nang maarte, baka sipunin ka pa. Tara na.”


Walang nagawa si Liam kundi sumabay. Sa ilalim ng payong, halos magkadikit na ang balikat nila. Tahimik lang ang paligid, tanging tunog ng ulan ang maririnig. Pero sa pagitan nila, may kakaibang init—parang kumokontra sa lamig ng hangin.


Pagdating sa dorm, binuksan ni Liam ang notebook niya. Sa huling pahina, may nakasulat na maliit na note: See you tomorrow, partner. —Aero 😊


Hindi niya alam kung kailan ito sinulat ni Aero, pero napangiti siya. Habang patuloy ang pagbuhos ng ulan sa labas ng bintana, tahimik niyang inamin sa sarili—hindi niya alam kung ano ang meron sa lalaking iyon, pero gusto niya siyang makita ulit bukas.


“Minsan, hindi mo kailangan ng mahabang kwento para maramdaman ang simula ng isang bagay na totoo.”


Maaga pa lang, nasa classroom na si Liam. Nakaupo sa pinakagilid, abala sa pagbabasa ng notes. Wala pang masyadong tao, kaya tahimik. Pero hindi rin nagtagal, pumasok si Aero—nakangiti, may dalang iced coffee, at agad siyang lumapit.


“Good morning, partner,” bati nito, sabay abot ng extra cup. “I got you one. Di ko alam kung gusto mo ng matamis, pero try mo na lang.”


Nagulat si Liam, medyo nahiya, pero tinanggap din niya. “Salamat.”


“Para kang laging seryoso,” sabi ni Aero habang umuupo sa tabi niya. “Relax ka lang, hindi ka naman nasa interrogation room.”


Napangiti si Liam kahit pilit. “Ganito lang talaga ako.”


“Eh, baka pag mas nakilala pa kita, matawa ka rin sa jokes ko,” sagot ni Aero sabay kindat.


Hindi alam ni Liam kung ano ang mas nakakakaba—yung ngiti ni Aero, o ‘yung paraan ng pagkakasabi niya ng mga simpleng salita na parang may ibig sabihin.


Dumating ang professor at nagsimula ang discussion. Group activity uli—writing exercise. Ang topic: “Describe the person who changed your day.”


Tahimik si Liam. Hindi niya alam kung paano sisimulan, pero naririnig niyang nagsusulat si Aero sa tabi niya, mabilis, parang alam na agad ang gustong sabihin.


Pagkatapos ng ilang minuto, sabay silang nagsukuan ng papel. “Basahin mo ‘yung akin,” sabi ni Aero. “Ikaw muna.”


Napilitan si Liam basahin. Maiksi lang ang sulat ni Aero:


“He’s quiet, but the way he listens makes you want to talk more. He doesn’t realize it, but his silence feels safe.”


Napatigil si Liam. Tumingin siya kay Aero, pero ngumiti lang ito at sabi, “’Wag mo nang itanong kung sino ‘yan.”


Tinago ni Liam ang papel. Hindi niya alam kung biro o hindi, pero buong araw, iyon ang laman ng isip niya.


Paglabas nila ng klase, nagyaya si Aero mag-lunch sa cafeteria. “Treat ko. Para sa pagtyatyaga mong makinig sa lahat ng kwento ko.”


“Hindi naman ako naiinis,” sagot ni Liam, halos pabulong.


“Talaga? Akala ko kasi napipilitan ka lang. Pero buti kung hindi. Gusto ko kasi ‘yung vibe mo. Tahimik, pero parang alam mo kung kailan ka lang magsasalita.”


Umupo sila sa mesa sa labas, tanaw ang quadrangle. Habang kumakain, may mga dumadaan na kakilala ni Aero—mga kaklase, teammates, fans. Panay ang bati, tawanan, at minsan pa, may pasimpleng tanong: “Uy, sino ‘yang kasama mo?”


Ngumiti lang si Aero. “Seatmate ko. Kaibigan ko.”


Simple lang ‘yung sagot, pero sa loob ni Liam, parang may kung anong kumislot. Hindi niya alam kung bakit, pero may kakaibang saya na tinawag siyang kaibigan.


Kinagabihan, habang nag-aayos ng gamit, nakita ni Liam ‘yung papel na isinulat ni Aero kanina. Binasa niya uli, dahan-dahan, paulit-ulit.

At bago siya matulog, nakatitig lang siya sa kisame, tahimik na nakangiti.


“Siguro,” bulong niya, “minsan, may mga taong biglang dumarating para baguhin ang tahimik mong mundo—kahit hindi mo pa sila ganun kakilala.”


Sa labas, maririnig ang mahinang hangin na dumadaan sa mga dahon ng akasya.

At sa isip ni Liam, isang pangalan lang ang umiikot: Aero.


Makalipas ang ilang linggo, naging routine na para kina Liam at Aero ang magkasabay kumain, mag-aral, at maglakad pauwi. Sa umpisa, awkward pa si Liam—lagi siyang tahimik, laging nag-iisip bago magsalita. Pero si Aero, sanay makakuha ng atensyon. Sanay sa ingay, sa tawanan, sa mga taong nakatingin sa kanya. Kaya laking gulat ni Liam nang mapansin niyang sa tuwing kasama siya ni Aero, tila mas tahimik din ito.


Isang hapon, pagkatapos ng klase, nagyaya si Aero na mag-aral sa labas. “Doon tayo sa ilalim ng akasya, sa likod ng gym. Maganda dun, tahimik.”


Sumama si Liam, dala ang mga libro’t notes. Sa ilalim ng lumang puno, may malamig na hangin at may mga dahong unti-unting nalalaglag. Naupo sila sa damuhan, parehas pagod sa buong araw.


Tahimik lang sila habang nag-aaral. Paminsan-minsan, nagtatama ang tingin, pero agad ding nag-iiwasan. Si Aero, pasimpleng sumisilip kay Liam sa tuwing nagfofocus ito. Si Liam naman, pilit pinipigilan ang sarili na mapangiti tuwing naririnig ang tawa ni Aero.


“Alam mo,” biglang sabi ni Aero, “hindi ko akalaing magiging close tayo.”


“Bakit naman?” tanong ni Liam, hindi tumitingin.


“Wala lang. Tahimik ka kasi. Akala ko noong una, suplado ka. Pero ngayon…” Tumigil ito sandali, sabay ngiti. “Parang gusto kong lagi kitang kasama.”


Napayuko si Liam. Hindi niya alam kung anong isasagot. Parang tumigil ang paligid. Ramdam niya ang mahina pero malinaw na tibok ng puso niya.


“Bakit ka natahimik?” tanong ni Aero.


“Wala,” sagot ni Liam, pilit na nakangiti. “Wala lang.”


Tumawa si Aero. “Ganun ka talaga—ang hirap basahin. Pero ayos lang. Sanay na ako.”


Lumipas ang ilang minuto ng katahimikan. Hangin lang at mga dahon ang maririnig. Hanggang sa biglang bumagsak ang ilang patak ng ulan.


“Uy, ulan!” sabi ni Aero, sabay takbo sa lilim ng puno. “Dito tayo!”


Tumakbo rin si Liam, at pareho silang nabasa ng bahagya. Tawa nang tawa si Aero habang pinupunasan ang buhok niya. “Ang malas natin. Pero at least, dito tayo natigil, hindi sa gitna ng ulan.”


“Mas okay nga dito,” sabi ni Liam. “Tahimik.”


Tahimik ulit silang dalawa, parehas nakatingin sa bumabagsak na ulan sa malayo. Pagkatapos, mahina pero malinaw na sabi ni Aero, “Alam mo, minsan gusto kong ganito lang—walang ingay, walang expectations.”


Tumingin si Liam sa kanya. “Ikaw? Ikaw pa? Laging nasa gitna ng pansin?”


Ngumiti si Aero, pero may lungkot sa mata. “Hindi mo alam, no? Minsan nakakasuya din ‘yung palaging may tinitingala sa’yo. Hindi mo alam kung sino ‘yung totoong nakakakita sa’yo, hindi lang sa pangalan mo.”


“Baka kasi hindi mo hinahayaan,” sabi ni Liam. “Na makita ka nila kung sino ka talaga.”


Nagkatinginan silang dalawa. Ilang segundo lang, pero parang tumigil ang oras.

Ang ulan, ang hangin, ang mga dahon ng akasya—lahat tila saksi sa katahimikan nilang pareho lang nakakaintindi.


Bago sila umalis, biglang sabi ni Aero, “Liam…”

“Hmm?”

“Salamat.”

“Para saan?”

“Wala. Basta salamat. Sa pakikinig.”


Ngumiti lang si Liam. “Wala ‘yon.”


Habang naglalakad pauwi, hindi mapigilan ni Liam ang mapaisip.

Sa ilalim ng akasya, may naramdaman siyang hindi niya kayang ipaliwanag—isang damdaming tahimik, pero totoo.


At sa unang pagkakataon, hindi siya natakot maramdaman iyon.


Ilang araw na ang lumipas mula nang magkasama sila ni Aero sa ilalim ng akasya. Simula noon, naging mas madalas ang pagkikita nila—sabay mag-break, sabay umuwi, sabay mag-review. Para bang natural na lang. Parang matagal na silang magkaibigan kahit isang semester pa lang ang lumipas.


Pero sa loob ng campus, mabilis kumalat ang mga usapan. Sa cafeteria, sa hallway, pati sa locker room—may mga bulong-bulungan tungkol kina Aero at Liam.


“Close daw sila.”

“Lagi silang magkasama.”

“Baka naman… alam mo na.”


Unang naka-rinig ng ts!sm!s si Aero mula sa isang teammate.

“Bro, ‘yung transferee ha, ikaw daw lagi niyang kasama. Anong meron?”

Napatawa lang si Aero. “Wala ‘yon, kaibigan ko lang si Liam.”

Pero sa loob-loob niya, naramdaman niya ang kakaibang kaba.


Nang araw ding iyon, napansin ni Liam ang pagbabago. Sa klase, hindi na siya agad binabati ni Aero. Hindi rin siya tinatabihan gaya ng dati. Kapag nagtatawanan ang grupo ni Aero, tahimik lang siya sa isang tabi. Parang biglang may pader sa pagitan nila.


Kinagabihan, nakaupo si Liam sa dorm balcony, hawak ang lumang notebook. Binabasa niya ‘yung note na iniwan ni Aero dati: See you tomorrow, partner.

Napangiti siya sandali, pero napalitan din ng lungkot.

“Bakit parang nagbago na lahat?” bulong niya sa sarili.


Kinabukasan, nagkasalubong sila sa hallway. Tumingin si Liam, pero umiwas ng tingin si Aero.

“Hindi mo na ako kilala?” mahina niyang tanong.

“Liam, ‘wag mo nang pansinin ‘yung mga tao. May mga nagsasabi ng kung anu-ano eh.”

“Eh ano naman kung may sabihin sila?”

“Hindi mo naiintindihan,” sagot ni Aero, sabay lakad palayo.


Habang pinagmamasdan ni Liam ang paglayo ni Aero, ramdam niya ‘yung bigat sa dibdib. Parang lahat ng saya sa mga nakaraang linggo, biglang binura ng ilang salita lang.


Lumipas ang tatlong araw na walang usapan, walang ngitian. Hanggang sa isang gabi, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Si Liam, naglakad pauwi mula library, walang dalang payong. Pagdaan niya sa ilalim ng akasya, naroon si Aero—basang-basa, nakaupo, tila matagal nang naghihintay.


“Liam!” sigaw nito.


Napahinto siya. “Bakit ka nandito?”


Lumapit si Aero, hinila ang braso niya. “Kailangan ko lang magpaliwanag.”


“Hindi mo kailangang magpaliwanag. Kung ayaw mo na, sabihin mo lang.”


“Hindi ‘yun,” mabilis na sagot ni Aero. “Natatakot lang ako. Sa kanila, sa sasabihin ng iba. Pero hindi ako nagsisinungaling nung sinabi kong gusto ko ‘yung kasama ka.”


Tahimik si Liam. Ang ulan, tuloy lang sa pagbagsak, parang musika sa pagitan nila.


“Hindi ko alam kung anong tawag dito,” patuloy ni Aero, “pero kapag hindi kita kasama, parang kulang ‘yung araw ko. At ‘yun ang mas kinakatakot ko—‘yung malaman kong totoo ‘yun.”


Lumapit si Liam, titig lang sa kanya. “Hindi mo kailangang matakot, Aero. Kasi ako rin… natatakot. Pero mas nakakatakot kung tatakbuhan natin ‘to.”


Sandaling natahimik. Tanging ulan lang ang naririnig. Hanggang sa marahang ngumiti si Aero, sabay sabi ng mahina, “Kaya ko na siguro ‘to… basta ikaw ang kasama ko.”


At sa ilalim ng akasya, sa gabi ng ulan, nagsimula ang katahimikang puno ng damdamin na hindi pa nila kayang ipaliwanag—pero pareho nilang alam na totoo.


Lumipas ang mga linggo, at unti-unting bumalik sa normal ang lahat. Hindi man nila binigkas nang direkta kung ano ang namamagitan sa kanila, pareho nilang alam—may kung anong espesyal sa pagitan nila.


Magkasabay pa rin silang pumapasok, sabay kumakain, sabay nagre-review. Pero sa bawat tinginan, may mga salitang hindi na kailangang sabihin. Si Aero, mas madalas nang ngumiti; si Liam, mas kampante na, kahit may mga matang sumusunod pa rin sa kanila sa paligid.


Isang hapon, matapos ang huling exam ng semester, nagyaya si Aero.

“Gusto mong pumunta sa rooftop? Gabi na, malakas ‘yung hangin doon.”

“Sure,” sagot ni Liam, nakangiti.


Pag-akyat nila, sinalubong sila ng tanawin ng kumikislap na ilaw ng campus. Tahimik. Puno ng alaala ng buong semestreng pinagsamahan nila.


“Naalala mo ‘to?” tanong ni Aero, sabay abot ng maliit na papel.

Tiningnan ni Liam—‘yun ang lumang note na isinulat ni Aero noong unang linggo nila: See you tomorrow, partner.

Ngayon, may idinagdag na bagong linya sa ilalim: Hanggang sa susunod na semester, kung gusto mo pa rin.


Napatawa si Liam. “Corny mo pa rin.”

“Pero effective, ‘di ba?” balik ni Aero, sabay kindat.


Tahimik silang dalawa. Walang ibang tao, walang bulong-bulungan. Tanging sila at ang malambot na hangin ng gabi.


“Liam,” sabi ni Aero sa wakas, “Salamat ha. Kasi hindi mo ako iniwan kahit noong nagkamali ako.”

“Tao lang tayo, Aero. Natatakot. Pero minsan, ‘yung mga kinakatakutan natin, sila rin pala ‘yung magtuturo sa atin kung ano ‘yung totoo.”


Tumango si Aero. “Totoo nga siguro ‘yun.”

Sandaling katahimikan.

“Bago magtapos ang semester,” bulong ni Aero, “gusto ko lang sabihin na… masaya ako na dumating ka.”


Ngumiti si Liam, marahan. “Masaya rin ako na nakilala kita. Baka nga ikaw na ‘yung pinaka-mahalagang subject na natutunan ko.”


Pareho silang natawa, sabay tingin sa langit. Ang mga ilaw ng campus, kumikislap na parang mga bituin.


At sa sandaling iyon, walang eksaktong label, walang pangako, pero sapat na ang tahimik na pagkakaintindihan.


Sapat na ang ngiti, ang tingin, at ang pakiramdam na kahit matapos ang semester, may mga bagay talagang hindi nagtatapos—dahil sa puso, doon pa lang sila nagsisimula.


TAPOS.

 
 
 

Comments


bottom of page